DAGUPAN CITY- Tinututukan ngayon ng DOST-PTRI ang pagpapatuloy ng tradisyong ito sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na manghahabi.
Sa isang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Julius L. Leaño, Jr., Director IV ng Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), inilahad niya ang mga inisyatibong isinasagawa ng kanilang tanggapan upang isulong ang industriya ng paghahabi at inobasyon sa Pangasinan at buong Rehiyon 1.
Ayon kay Dr. Leaño, noong Lunes ay inilunsad na ang isa sa mga proyekto ng DOST-PTRI sa bayan ng Aguilar.
Nauna itong nailunsad sa nasabing bayan dahil sa mayamang textile heritage ng lugar at mabilis na pagkilala sa kahalagahan ng kanilang kultura sa paghahabi.
Tinutukan ng DOST ang pagpapatuloy ng tradisyong ito sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan sa mga lokal na manghahabi.
Ngayong Biyernes naman, opisyal na ilulunsad ang isa pang inisyatiba sa loob ng Pangasinan State University (PSU) campus.
Layunin nitong mapalakas ang koneksyon ng akademya sa industriya ng habi at mapakinabangan ito bilang isang innovation hub.
Ikinagulat umano ng ahensya ang dami ng mga aktibong grupo ng manghahabi sa rehiyon, umaabot sa ilang mga bayan sa Rehiyon 1 ang may sariling weaving group.