Dagupan City – Maglulunsad ang Department of Science and Technology (DOST), sa pamamagitan ng Scholars’ Intercampus Association of Pangasinan (SICAP), ng libreng review at preparatory program na AgSICAP Ka! para sa mga Grade 12 students na maghahanda sa DOST scholarship at college entrance examinations.
Pangatlong taon na ng programa na naglalayong palakasin ang kaalaman at kumpiyansa ng mga estudyante sa pamamagitan ng lecture sessions at mock examinations bago ang aktwal na pagsusulit.
Isasagawa ang mga review session sa Mangaldan National High School at Dagupan City National High School. Sa Mangaldan NHS, nakatakda ang aktibidad sa Enero 31 at Pebrero 1, 7, at 8, habang sa Dagupan City NHS naman ay sa Pebrero 1, 7, at 8. Lahat ng sesyon ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Bukás ang programa sa mga Grade 12 students na mag-aapply sa DOST-SEI Undergraduate Scholarship Program na gaganapin sa Pebrero 21–22, gayundin sa mga kukuha ng iba pang college entrance exams. Kailangan ding residente ng Pangasinan o kasalukuyang naka-enroll sa mga paaralan sa lalawigan ang mga aplikante.
Maaaring magparehistro ang mga interesadong estudyante sa opisyal na AgSICAP Ka! Review Session registration form na makikita online.
Bukod sa paghahanda sa pagsusulit, layunin din ng DOST na mahikayat ang mga kabataan na tahakin ang karera sa agham, teknolohiya, at inobasyon bilang ambag sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga Pilipinong siyentista.










