Pinabulaanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Office I ang kumakalat sa social media na ubos na ang pondong nakalaan para sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) na may layuning magbigyang tulong pinansyal ang mga manggagawang Pilipino upang maibsan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Nilinaw ni Nathaniel Lacambra, Regional Director ng DOLE Regional Office I na wala pang ibinababang pondo ang Department of Budget and Management sa ngayon.
Ipinaliwanag din ni Lacambra ang benepisyong nakapaloob sa CAMP kung saan sa ilalim ng Department Order 209 ng DOLE, mabibigyan ng P5,000 financial assistance ang lahat ng manggagawa sa formal sector o mayroong employer, anuman ang employment status. Mapa-contractual, job order o regular man na apektado ng flexible work arrangements gaya ng work from home at iba pang patakaran ng kumpanya bunsod ng COVID-19 o Enhanced Community Quarantine.
Para ito ay maproseso, ang employer na mismo ang magfa-file online ng dokumento sa DOLE regional offices, kailangan lamang na magpasa ng kopya ng updated payroll.
Makikita ang talaan ng requirements, proseso at forms sa facebook page na DOLE Ilocos Region.
Sa ngayon, nasa 409 na ang nag-apply na establishimento sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) na may 6, 870 manggagawa.
Kaugnay nito, inaasahan na mare-release ang pondo sa unang linggo ng buwan ng Abril.
Sa ilalim naman ng DO 210 ng DOLE, sakop nito ang mga informal sector o walang employer katulad ng mga tricycle driver, nagtitinda sa palengke at iba pa na sila ay mabigyan ng kaukulang kalinga sa ilalim ng TULONG PANGHANAPBUHAY SA ATING DISPLACED / DISADVANTAGED WORKERS PROGRAM (TUPAD) #BARANGAY KO, BAHAY KO (TUPAD #BKBK) kung saan maglilinis o magdi-disinfect na lamang sila kanilang bahay o sa barangay.
Layunin nito na mapanatili ang kanilang quarantine status nang sa gayon ay hindi na sila umalis pa na mag hanap-buhay.
Mabibigyan ang informal sector ng highest minimum wage for the period of 10 days.
Sa Region I, 340 ang highest minimum wage kaya P3,400 ang matatanggap ng mga nasa informal sector.
Hinihikayat ang malalaking kompaniya na tumulong at huwag makipag agawan sa maliliit na negosyo at bigyan ang kanilang manggagawa ng kaukulang benipisyo.