Dagupan City – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 na obligadong ibigay ng mga employer ang 13th-month pay sa lahat ng manggagawa sa gobyerno at maging sa pribadong sektor bago o hanggang Disyembre 24.

Ipinaliwanag ng ahensya na sakop ng benepisyong ito ang mga regular, contractual at iba pang uri ng empleyado basta’t nakapaghulog sila ng hindi bababa sa isang buwang trabaho.

Ayon kay Exequiel Ronie Guzman, direktor ng DOLE Region 1, ang 13th-month pay ay itinatakda ng Presidential Decree 851.

--Ads--

Batay sa panuntunan, ang computation ng benepisyo ay mula sa kabuuang basic salary ng isang manggagawa kasama ang mga permanenteng allowance o komisyon, ngunit hindi kasama ang overtime pay.

Hinahati ito sa 12 buwan upang makuha ang katumbas na halaga, at kung hindi kumpletong taon ang trabaho, ibinabatay ito sa aktuwal na buwang pinasukan.

Ipinaliwanag ni Guzman na may ilang kompanyang nagbibigay ng kalahati ng benepisyo tuwing Hunyo at ang nalalabi bago mag-Pasko, habang ang iba naman ay isinisingit ito buwan-buwan depende sa polisiya ng kumpanya.

Dagdag niya, anumang uri ng employment status sa pribadong sektor ay may karapatan sa naturang benepisyo.

Binigyang-diin ng DOLE Region 1 na maaaring magkaroon ng penalty ang mga employer na hindi agad nagbabayad ng 13th-month pay, kabilang ang interes kung naantalang maibigay ito.

Sa pagresolba ng reklamo, unang kinokontak ng ahensya ang employer upang ipaliwanag ang dahilan ng hindi pagbabayad at tiyakin kung kailan matatanggap ng mga manggagawa ang kanilang benepisyo.