Dagupan City – Nagbabala ang Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Office 1 sa publiko laban sa mga indibidwal o grupo na nag-aalok ng “personal recruitment” upang mapabilang sa mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).

Ayon sa DOLE, walang katotohanan ang mga alok na ito dahil ipinagbabawal ang personal recruitment at hindi ito nakasaad sa panuntunan ng programa.

Iginiit ng tanggapan na walang sinuman ang maaaring manghingi ng bayad, pabor, o anumang ugnayan para maipasok sa TUPAD.

--Ads--

Tanging mga opisina lamang ng DOLE, mga Public Employment Services Offices (PESOs), at mga lokal na pamahalaan ang nagpapatupad ng TUPAD sa mga komunidad.

Kaya naman, pinapayuhan ng DOLE ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga nag-aalok ng naturang recruitment at i-report agad sa awtoridad ang mga ganitong ilegal na insidente ng panlilinlang.

Para sa mga katanungan ukol sa programa, makipag-ugnayan lamang sa mga itinalagang opisina ng gobyerno upang maiwasan ang anumang panloloko.