Nanawagan ang Kilusang Mayo Uno na dapat tiyakin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa, lalo na sa mga lugar na lubhang naapektuhan gaya ng Cebu at Davao sa gitna ng sunod-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.
Ayon kay Jerome Adonis, Chairperson ng nasabing grupo malawak ang naging pinsala ng mga nagdaang lindol at bagyo, at hindi umano sapat ang kasalukuyang tugon ng gobyerno upang protektahan ang mga manggagawa.
Tinukoy niya na pangunahing tungkulin ng DOLE — may sakuna man o wala — ang pagtiyak sa seguridad, kaligtasan, at kapakanan ng mga manggagawa.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat ipilit ang pagpapatrabaho kung may nakikitang panganib sa gusali o lugar ng trabaho.
Kapag may kalamidad, lalo na kung lindol, dapat ligtas ang mga manggagawa.
Dapat dina niya inspeksiyunin ng DOLE ang mga gusali kung pwede pa bang pagtrabahuan o hindi.
Samantala, sinuportahan din ng KMU ang panawagan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) para sa pagpapatupad ng monthly earthquake drills sa mga lugar ng trabaho.
Ayon sa grupo, ito ay mahalagang bahagi ng preparedness upang maiwasan ang mas malaking trahedya sa panahon ng kalamidad.
Hinihikayat naman nito ang publiko na maging mapagmatyag, makialam, at lumaban sa katiwalian.