Kinumpirma ng Department of Justice na ibinalik ng prosekusyon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang reklamo nitong inihain laban kay Senador Robin Padilla.
Sa pulong balitaan ng kagawaran kahapon, ibinahagi ni Justice Secretary Fredderick A. Vida ang patungkol sa ginawang aksyon ng prosekusyon.
Aniya’y ibinalik ang reklamong isinampa ng pulisya kontra sa mambabatas para sa pagkakaroon ng karagdagan pang imbestigasyon ukol sa kaso.
Alinsunod raw ito sa Department Circular No. 20 kung saan humiling ang ‘investigating prosecutors’ ng dagdag na mga dokumento o di’ naman ay pinanumpaang salaysay ng kinalaman mga indibidwal.
Kung kaya’t ayon sa kalihim, ‘premature’ pang maituturing kung magkukumento ito dahil sa nagpapatuloy pa ring imbestigasyon.
Magugunitang inireklamo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group si Sen. Padilla ng ‘obstruction of justice’ nitong buwan ng Mayo.
Kaugnay ang naturang reklamo sa umano’y naging papel ng mambabatas para makatakas mula sa Senado si Sen. Bato Dela Rosa.
Habang dagdag pa rito’y sinabi ni Justice Secretary Vida na natanggap na ng kampo ni Atty. Jimmy Bondoc ang ipinadala nilang sulat kamakailan.
Layon sa liham na linawin ng abogado ang makaraan niyang mga pahayag patungkol sa pagsisilbi ng ‘arrest warrant’ mula International Criminal Court laban sa kanyang kliyente na si Sen. Dela Rosa.
Kaya nama’y nag-iwan ng babala ang kalihim sa mga indibidwal na matutuklasang tumulong para makatakas ang pinaghahanap na mambabatas.
Binigyang diin niyang posibleng may kaharapin na pananagutan ang mga ito sa oras na matuklasan ang kanilang naging papel sa nangyari.










