DAGUPAN CITY- Tinatarget ngayon ng Department of Health (DOH) na palawakin ang pagpapabakuna laban sa Human Papillomavirus (HPV), isang virus na pangunahing sanhi ng cervical cancer.
Ayon kay DR.Carmina Vera, Medical Officer IV ng Disease Prevention and Control Bureau, ang bakuna ay isang mabisang paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit, at layunin ng DOH na maprotektahan ang mga kababaihan mula sa sakit na ito.
Ang pokus ng kampanya ng DOH ay ang mga kabataang babaeng nasa edad 9 hanggang 14 taon, dahil ito ang pinakamainam na panahon upang magpabakuna at makuha ang pinakamataas na proteksyon laban sa HPV.
Upang mapadali ang proseso ng pagpapabakuna, nakipag-ugnayan ang DOH sa Department of Education (DepEd) para maisagawa ang pagpapabakuna sa mga paaralan, na magbibigay ng komprehensibong access sa mga kabataan.
Isang bagong hakbang na pinag-aaralan ng DOH ay ang posibilidad ng pagbibigay ng isang dose lamang ng bakuna.
Ito ay para matulungan ang mga magulang na magtipid at hikayatin silang pabakunahan ang kanilang mga anak.
Target ng DOH na nasa 90 porsyento ng mga kababaihan ang makikinabang mula sa bakuna para sa proteksyon laban sa cervical cancer.
Nananatiling mahalaga ang pagpapalaganap ng impormasyon at edukasyon hinggil sa mga benepisyo ng HPV vaccine para mas marami ang magpabakuna at magtaguyod ng kalusugan ng kababaihan sa bansa.