Nakapagtala na ang Department of Health (DOH) Region 1 ng kabuuang 11,459 kaso ng influenza-like illnesses mula Enero 1.
Ayon sa pinakahuling datos, bahagyang mas mababa ito kumpara sa naitalang kaso noong nakaraang taon. Gayunpaman, inaasahan pa rin ang posibleng pagtaas ng bilang ng kaso habang papalapit ang pagtatapos ng buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis Medical Officer IV, Center for Health Development, DOH Region I batay sa datos ng DOH Region 1, Pangasinan ang may pinakamaraming naitalang kaso ng influenza-like illnesses.
Karamihan sa mga apektado ay mga batang may edad 1 hanggang 4 na taong gulang, na sinusundan ng mga sanggol na wala pang isang taong gulang.
Dahil dito, mariing tinututukan ng DOH Region 1 ngayong Disyembre ang mga influenza-like illnesses, kabilang ang mga respiratory diseases gaya ng trangkaso, ubo, at sipon.
Mahigpit na mino-monitor ang mga ito lalo na’t kasabay ng pagdiriwang ng Pasko ang paglamig ng panahon, na maaaring magpahina sa immune system ng katawan.
Nagbabala rin si Dr. Rheuel hinggil sa mga lifestyle-related diseases na maaaring lumala o makuha ngayong kapaskuhan, tulad ng diabetes at hypertension.
Ang mga ito ay kadalasang dulot ng labis at hindi kontroladong pagkain ng mga pagkaing mataas sa asukal, asin, at taba.
Samantala, nagpaalala rin ang Center for Health Development tungkol sa mga sakit na maaaring makuha mula sa hindi tamang paghawak at paghahanda ng pagkain.
Kabilang dito ang mga food-borne illnesses gaya ng diarrhea at food poisoning.
Kaya naman, payo ni Dr. Bobis, tiyaking malinis ang paghahanda, pag-iimbak, at pagluluto ng mga pagkain upang maiwasan ang pagkakasakit.










