Dagupan City – Mas pinaiigting ng Department of Health Region 1 ang pagbabantay sa mga kaso ng influenza-like illnesses o ILI ngayong nararanasan ang mas malamig na klima sa ilang bahagi ng rehiyon.
Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, karaniwang tumataas ang kaso ng mga sakit na may sintomas ng lagnat, ubo, sipon at pananakit ng katawan kapag malamig ang panahon, lalo na sa mga bata, matatanda, at mga may mahihinang resistensya. Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga ospital at health facilities upang masubaybayan ang lagay ng kalusugan ng publiko.
Sinabi ng DOH na mahalaga ang pagsunod sa mga basic health practices upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Kabilang dito ang madalas na paghuhugas ng kamay, tamang pag-ubo at pagbahing, at pagsusuot ng face mask kung may nararamdamang sintomas. Pinapayuhan din ang publiko na iwasan ang matataong lugar kung hindi naman kinakailangan.
Dagdag pa ng ahensya, mahalaga rin ang regular na pagbabakuna upang mabawasan ang panganib na magkaroon ng influenza at iba pang kaugnay na sakit, lalo na sa mga kabilang sa vulnerable sector.
Patuloy namang hinihikayat ng DOH Region 1 ang publiko na agad kumonsulta sa mga health center o doktor kung makaranas ng patuloy o lumalalang sintomas upang maiwasan ang komplikasyon.
Paalala ng ahensya, ang maagap na pag-iingat, sapat na kaalaman, at tamang kalusugang pangangalaga ang pairalin upang mapanatili ang kalusugan ng bawat isa, lalo na sa panahon ng pabago-bagong lagay ng panahon.










