Nagbabala sa publiko ang Department of Health Center for Health and Devt Region 1 kaugnay sa mga magtatangka na magbenta ng mga covid 19 vaccines at mga vaccination slots.
Sa pahayag ni Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH-CHD Region 1, sa kasalukuyan ay wala pang namomonitor at naipaparating na mga ganitong illegal na aktibidad sa kanilang tanggapan ngunit kung sakali man ay mapipilitan sila na panagutin ang sino mang indibidwal na magtatangkang magbenta ng mga bakuna pati narin ng mga vaccination slots.
Ipinaalala ng opisyal na tanging sa mga lokal na pamahalaan o sa mga LGUs lamang makukuha ang available na mga bakuna at hindi sa mga nagpapanggap na otorisadong nagbebenta ng mga bakuna.
Pagdating naman sa mga nagbebenta ng mga vaccination slots, hindi rin umano ito lehitimo dahil sa prayoridad paring unahin ang mga health workers, senior citizens, mga kabilang sa persons with comorbidities at ilan pang mga dapat na maunang mabakunahan.
Batid naman umano nila na marami sa ating mga kababayan ang gusto ng magpabakuna ngunit hinihiling nila ang konting pasensya pa sa paghihintay lalo na at limitado parin ang mga covid 19 vaccines sa ating rehiyon at sa kabuuan ng bansa. // Report of Bombo Mariane Esmeralda