DAGUPAN CITY–Aminado si Department of Health o DOH Region I Director Dr. Valeriano Lopez na magiging pahirapan ang contact tracing na ginagawa upang matunton ang lahat ng nagkaroon ng ugnayan sa pitong taong gulang na batang babae na nasawi matapos magpositibo sa Covid-19 mula sa bayan ng San Fabian.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lopez sinabi nito na tinitingnan nilang mabuti kung ano ang nangyari kung bakit nagawa pa itong paglamayan gayong nakuhaan naman ito ng throat swab bago nasawi .

--Ads--

Aniya magiging malawak na ang gagawing contact tracing lalo’t ilang araw itong pinaglamayan.

Nabatid na March 22, araw ng Linggo isinugod pa sa La Union Medical Center ang pasyente ngunit pagsapit ng March 26, agad din itong binawian ng buhay.

Inakala umano ng pamilya ng pasyente na dulot ng dengue ang kaniyang ikinamatay dahil ito din ang unang ideneklara ng ospital na pinagdalhan sa kaniya.

Makalipas ang ilang araw, dumating ang karagdagang resulta at mula sa kumpirmasyon ng PHO, positibo sa Covid-19 ang naturang bata.

Napag-alaman din na mayroong dalawang tiyuhin ang biktima na galing sa Nueva Vizcaya at Maynila.

Bagamat walang sakit ang mga ito, salaysay naman ng isa sa kanila na sila’y dumalo sa isang lamayan sa Manila na kung saan, positibo din sa Covid-19 ang namatay.