Sinimulan na ng Department of Energy (DOE) ang pag-aaral at eksplorasyon sa mga bulubunduking bahagi ng Pangasinan at Zambales kaugnay sa posibleng pagkakaroon ng tinatawag na native o natural hydrogen na maaaring magsilbing malinis at alternatibong pinagkukunan ng enerhiya ng bansa.

Inihayag ng mga opisyal na magsasagawa sila ng aerial survey mula huling linggo ng Pebrero hanggang Mayo upang makakuha ng gravity at magnetic data na makatutulong sa pagsusuri ng mga rock formation sa dalawang lalawigan.

Layunin ng ahensya na matukoy kung may mga mapagkukunan ng enerhiya sa loob mismo ng teritoryo ng bansa.

--Ads--

Kabilang ang natural hydrogen na kilala rin bilang white hydrogen sa mga bagong pinag-aaralang energy sources ng pamahalaan upang mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa inaangkat na langis at iba pang fossil fuels.

Samantala, ayon kay Vice Governor Mark Lambino, isa sa mga lugar na tinitingnan ay ang Manleluag Hot Springs sa bayan ng Mangatarem dahil sa posibilidad umanong may natural hydrogen sa nasabing lugar.

Gayunman, kinakailangan pa ng masusing pag-aaral at mas mahigpit na proseso bago umabot sa extraction o aktuwal na pagkuha ng naturang likas na yaman.

Ayon sa DOE, nakatuon ang pag-aaral sa mga ophiolite areas mga bahagi ng sinaunang oceanic crust at mantle na umangat sa lupa—kung saan karaniwang matatagpuan ang ultramafic o olivine-rich rocks. Kapag ang mga batong ito ay nag-react sa tubig sa ilalim ng lupa, maaari silang makalikha ng hydrogen gas sa natural na paraan sa mahabang panahon.

Bahagi ang proyektong ito ng Philippine Energy Plan, na nagsisilbing blueprint ng pamahalaan sa pagtukoy ng mga bagong mapagkukunan ng enerhiya para sa mas ligtas, mas malinis, at mas matatag na suplay ng kuryente sa bansa.