Inihayag ng Department of Energy (DOE) na naghahanda ito ng bagong patakaran upang gawing mas madali at mas mabilis ang pagpapakabit ng solar panels at battery storage systems sa mga kabahayan.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin nitong bawasan ang mga kinakailangang permit at proseso para sa mga pamilyang nais gumamit ng solar energy para lamang sa sariling konsumo at hindi para magbenta ng kuryente sa distribution utility.
Sinabi ni Garin na inaasahang mailalabas ang naturang patakaran sa loob ng isang buwan.
Kasabay nito, muling hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso, sa kanyang ikalimang State of the Nation Address, ang agarang pagpasa ng Sariling Kuryente Act.
Ayon sa Pangulo, layunin ng panukala na gawing simple, abot-kaya, at mas mabilis ang pagpapakabit ng solar panels at battery storage systems sa mga bahay upang makatulong sa pagpapababa ng gastos sa kuryente ng mga Pilipino.
Dagdag pa ng DOE, ang bagong polisiya ay nakahanay sa layunin ng Sariling Kuryente Act na mabawasan ang red tape at mapabilis ang paggamit ng renewable energy sa mga kabahayan.










