Inatasan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsagawa ng kaukulang proseso kaugnay ng reservist status ni Senator Robin Padilla matapos nitong aminin sa Senado na isa siyang komunista.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Teodoro na dapat pag-aralan ng AFP ang naging pahayag ng senador.
Ayon sa tala ng Philippine Army, naging reservist si Padilla noong 2019 at ginawaran ng ranggong Captain bilang bahagi ng programa na kumikilala sa mga personalidad na nagsisilbing huwaran sa kabataan.
Noong nakaraang linggo, sa gitna ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Padilla sa impeachment court na isa siyang komunista.
Kasunod nito, lumitaw ang mga panawagan na alisin si Padilla bilang reservist ng Philippine Army. Ayon sa mga umiiral na patakaran ng AFP Reservist Program, maaaring matanggal sa serbisyo ang isang reservist kung mapatunayang lumabag sa mga alituntunin ng organisasyon.
Inaasahang sasailalim sa kaukulang proseso at imbestigasyon ng Philippine Army ang kaso ni Padilla upang matukoy kung may batayan para siya’y alisin.
Samantala, nanawagan si dating Interior Secretary Rafael Alunan III na alisin si Padilla sa Senado at tanggalan ng pagiging reservist. Ayon kay Alunan, hindi nararapat manatili sa puwesto ang isang opisyal na umano’y umaaming may paniniwalang taliwas sa interes ng estado.
Wala pang inilalabas na pahayag si Padilla bilang tugon sa hakbang ng Department of National Defense (DND).










