DAGUPAN CITY- Nagsisimula na umanong tumaas ang bilang ng mortalidad ng mga alagang manok dulot ng pagtaas din ng mainit na temperatura sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Francis Uyehara, President ng Philippine Egg Board Association, labis na naaapektuhan ang produksyon ng mga poultry owners partikular na sa mga nasabing alaga.
Pinapahina din nito ang kaganahang kumain ng mga alaga na nagreresulta sa pagbawas ng produksyon at hindi balanseng distribusyon ng laki ng mga itlog.
At dahil dito, nagsisimula nang magkaroon ng surplus at pagbaba ng presyo ng produksyon ng maliliit na itlog.
Bilang tugon ng mga magsasaka, nagbabawas aniya sila ng alagang manok upang makaiwas sa mataas na gastusin.
Gayunpaman, hindi naman aniya nito maaapektuhan ang kalidad ng mga itlog.
Kaugnay nito, maaari aniyang maglagay ng karagdagan sa patuka upang makatulong sa pagbawas ng nararanasang mainit ng mga alagang manok.
Maaari aniyang makipagtulungan sa mga nutritionist upang mapabalanse at mapababa ang mga raw materials na kinakailangan para sa patuka.
Mayroon din aniyang ginagamit na kulungan ang ibang mga magsasaka kung saan nakakapagbigay ito ng kontroladong temperatura.
Ngunit para naman sa conventional housing management, hindi naman maiiwasan ang makapagtala ng mortalidad lalo na sa tuwing may mataas na temperatura.
Samantala, alerto pa din naman sila sa pagbabantay ng mga kaso ng birdflu sa bansa.
Patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno dahil mahaba pa ang pagdadaanang proseso upang ma-commercial na ang kinakailangang vaccine.