DAGUPAN CITY- Hindi naaayon sa isang institusyon ng edukasyon na mag-promote o sumoporta sa diskriminasyon sa isang naturang sektor ng sosyedad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jhay De Jesus, Spokesperson, True Colors Coalition, kaniyang iginiit na wala naman kinalaman ang haba ng buhok o pananamit ng isang estudyante sa kaniyang pakikipag-ugnayan sa loob ng eskwelahan.
Aniya, malinaw umanong nagpapakita ng diskriminasyon ang kamakailang viral video na paggupit sa buhok ng isang estudyanteng transgender woman upang makapag enroll ito sa kanilang eskwelahan.
Iginiit din nito na walang kakayahan ang Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology na gumawa ng isang polisiya kahit pa nagpapakita ito ng diskriminasyon.
Samantala, dapat din baguhin ang mga polisiyang hindi sinasama ang komunidad ng LBTQ++ lalo na sa institutional level.
Kailangan aniya itaas ang usaping ito sa pagkilala ng mga identidad ng mga tao partikular na sa Queer Community upang mapalaganap pa ang pagiging sensitibo sa naturang usapin.
Mahalagang aspeto naman ang makabilang ang edukasyon sa pagpapatupad ng isang Anti-Discrimination Law upang mapaunawa pa lalo sa mga tao ang naturang usapin at mabawasan ang diskriminasyon.
Sapagkat importanteng tanawin muna kung paano ito mapipigilan bago dumako agad sa hustisya para sa mga nakaranas nito.
Dagdag pa niya, wala dapat lugar sa lipunan ang diskriminasyon at karahasan.