DAGUPAN CITY – Muling binalikan ng DILG Regional Office 1 ang Urdaneta City, Pangasinan matapos malaman na hindi tumalima ang alkalde at bise alkalde sa ipinataw na 1 year suspension bawat isa mula sa Office of the President kahapon, Pebrero 4, 2025.

Pinangunahan ni Regional Director Jonathan Paul Leusen Jr. ang pagtungo sa opisina ni suspended Mayor Julio ‘Rammy’ Parayno III at Vice Mayor Jimmy Parayno para ipaalam ang kanilang suspension order matapos makatanggap ng impormasyon na patuloy pa rin ang kanilang pag akto sa kanilang posisyon.

Ngunit sa pagtungo ng mga opisyal ng DILG sa opisina ng suspendidong opisyal, sarado ito at walang nakausap ni isang elected official.

--Ads--

Hindi rin nila mahagilap ang number 1 at 2 city councilor upang ipaalala ang law of succession kung saan sila ang hahalili bilang Acting Mayor at Acting Vice Mayor sa Urdaneta City.

Samantala, ipinakita rin ng DILG ang mga dokyumento o Advisory copy sa mga Department Heads bilang patunay sa suspension ng magpinsang Parayno.