DAGUPAN CITY- Mahigit sa 10 ahensya ng gobyerno, sa pangunguna ng Department of Interior and Local Government (DILG), ang naghandog ng Serbisyo Caravan sa ilalim ng Rooted Community Support Program (RCSP) sa mga residente ng Barangay Cacaoiten at Cabaluyan 2nd sa bayan ng Mangatarem.

Ayon kay Virgilio Sison, Provincial Director ng DILG Pangasinan, sabay na isinagawa ang caravan sa dalawang barangay habang Inaasahan din ang mga susunod na programa sa darating na Setyembre 16 at 18 sa iba pang napiling target na Barangay.

Dagdag pa ni Sison, ang programang ito ay eksklusibong gagawin sa limang barangay mula sa dalawang bayan sa lalawigan ngayong taon kabilang ang tatlong barangay sa Mangatarem at dalawa sa Infanta.

--Ads--

Masasabi nito matagumpay ang caravan sa tulong ng mga partner government agencies na buong pusong nagbahagi ng kani-kanilang programa at serbisyo.

Kabilang sa mga ahensyang nakilahok ang DTI, BIR, DENR, TESDA, PAO, DSWD, PNP, AFP, DA, BFAR, DMW, DOH, DAR, PAG-IBIG, at PHILHEALTH.

Saad nito na ang programa ay nakabatay sa Executive Order No. 70, ang End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan patuloy itong isinusulong ng kasalukuyang administrasyon upang baguhin ang pananaw ng ilang indibidwal na hindi sila napapansin o natutulungan ng gobyerno, na nagiging dahilan upang sumali sila sa mga grupong lumalaban dito.

Layunin ng programa na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan upang hindi na nila kailangang pumunta sa iba’t ibang ahensya.

Sa pamamagitan ng caravan, pinagsama-sama ang lahat ng kinakailangang ahensya sa isang lugar.

Ipinahayag naman ni Mangatarem Mayor Jensen Viray Ventenilla ang kanyang pasasalamat sa inisyatibong ito dahil malaking karangalan ang ganitong programa dahil natutulungan ang kanyang nasasakupan, lalo na sa mga liblib na lugar na maari palang maabot ng gobyerno.

Ayon naman kay Maricel Sison, DILG Officer ng LGU Mangatarem, ang programa ay magiging hakbang upang maibalik ang tiwala ng ilang grupo sa gobyerno.

Binanggit din niya na hindi ito ang unang pagkakataon na nakarating ang programa sa bayan. Bukod sa serbisyo, naghandog na rin sila ng pondo sa bawat barangay para sa mga proyektong pangkaunlaran tulad ng health centers at farm-to-market roads.

Sa kabilanh banda, Lubos naman ang pasasalamat nina Kapitan Dominador Riparip Sr. ng Barangay Cacaoiten at Kapitan Hilario Labasan ng Barangay Cabaluyan 2nd na parehong namumuno sa dalawang napiling Barangay na sa dami ng mga Barangay sa lalawigan ay isa ang kanilang nasasakupan sa nahandugan nito.

Problema kasi sa lugar ang access at pahirapan na pagpunta sa mga opisina upang makahingi ng serbisyo dahil sa lokasyon ng kanilang barangay at sitwasyon ng mga residente dito.

Halos kalahati naman ng kanilang mga kabarangay ang nakinabang o dumalo sa kaganapan para sa mga serbisyo na kanilang makukuha sa bawat ahensya.

Ikinatuwa naman nina Alfredo Ugale at Nanay Rebecca, mga residente ng Barangay Cacaoiten, na sila ay naging benepisyaryo ng programa dahil malayo man ang kanilang barangay ay masasabi nilanh hindi sila pinapabayaan at hindi nakakalimutan ng gobyerno na hatiran ng ganitong inisyatibo para mapaangat pa ang buhay ng bawat komunidad.