Dagupan City – Ibinahagi ng Registry of Deeds Region 1 ang pagiging Digital ng Land Registration Authority.

Ayon kay Atty. Laura Irene May Padua, regional registrar ng Registry of Deeds Region 1, mayroon silang mga bagong serbisyo gaya na lamang ng Anywhere-to-Anywhere (A2A).

Kung saan sa pamamagitan ng LRA A2A Service, ay hindi na kinakailangan pang magtungo sa mismong Registry of Deeds na may hawak ng titulo, kundi maaari nang humiling ang kliyente ng Certified True Copy (“CTC”) sa pamamagitan ng pagpunta sa pinakamalapit na computerized Registry of Deeds.

--Ads--

Kaugnay dito ay mayroon na rin silang E-Serbisyo Portal na isang sistema na nagbibigay ng online serbisyo mula sa LRA na nagpapahintulot sa publiko na humiling ng Certified True Copy (CTC) ng titulo online.

Bisitahin lamang ang www.eserbisyo.lra.gov.ph. at dapat ay nakarehistro na sa database.

Sa kabilang banda, wala naman umanong nakikitang problema sa pagiging digital ng kanilang opisina dahil malaki ang tulong nito sa mga tao lalo na’t hindi na nagkokonsumo pa ng maraming oras at hindi na kinakailangan pang pumila pa.

Samantala, sa buong rehiyon 1 ay mayroon na silang 14 na opisina, na inaasahang maaayos at madadagdagan pa sa ilang parte upang mabigyan ng maayos na serbisyo ang bawat kliyente.