Dagupan City – Binigyang-diin ng isang guidance counselor ang kahalagahan ng digital critical literacy kasunod ng naganap na shooting incident sa isang paaralan sa Zamboanga.

Ayon kay Dr. Beverly Fernandez, Pangulo ng Philippine Guidance and Counseling Association–Pangasinan Chapter, hindi nangangahulugang dahil high honor ang isang estudyante ay wala na itong posibilidad na magkaroon ng ganitong intensyon.

Aniya, mahalaga ring bigyang-pansin ang self-identity ng mga kabataan dahil kapag ito ay naapektuhan, maaaring humantong sa mababang self-esteem. Dahil dito, kailangan umanong palakasin ang iba’t ibang protective factors ng isang bata upang hindi lamang sa isang aspeto nakasentro ang kaniyang pagkakakilanlan.

--Ads--

Mahalaga rin, ayon kay Fernandez, na mabigyan ang mga bata ng safe space kung saan malaya silang makapagbukas ng kanilang nararamdaman at mga pinagdaraanan.

Ipinaliwanag din niya na ang palagiang exposure sa karahasan ay maaaring magdulot ng pagiging manhid o pagiging sanay sa ganitong uri ng content. Gayunman, sinabi niyang sa nangyaring insidente sa Zamboanga, mas nakikita ang elemento ng grooming at manipulation.

Dahil dito, binigyang-diin ni Fernandez ang kahalagahan ng digital critical literacy, o ang kakayahan ng mga kabataan na kritikal na suriin at unawain ang mga impormasyong nakikita at nakukuha nila online.

Malaki rin aniya ang papel ng pamilya sa ganitong sitwasyon, partikular sa pagtuturo sa mga kabataan kung paano mag-isip nang kritikal, kumilatis ng impormasyon, at matutong gumawa ng tamang desisyon.