Sa layuning isulong ang modernong serbisyo ng kapulisan sa lungsod, naghain si Atty. Joey Tamayo, konsehal sa syudad ng Dagupan, ng isang ordinansang naglalayong suportahan ang Philippine National Police (PNP) Dagupan sa paggamit ng internet-based platforms para sa crime reporting at investigations.
Bagaman hindi pa natatalakay sa pormal na sesyon ng sangguniang panlungsod, at kailangan pang dumaan sa committee hearing, malaki ang potensyal ng naturang ordinansa na mapabuti ang sistema ng pagresolba ng krimen sa lungsod.
Ayon kay Atty. Tamayo, ang ordinansa ay nagbibigay ng legal na suporta para sa digital transformation ng lokal na PNP, kung saan layon nitong gawing mas mabilis, accessible, at episyente ang pagtanggap at pagproseso ng mga reklamo mula sa publiko.
Sakaling maipasa ang ordinansa, papayagan na ang pagsasagawa ng police blotter at imbestigasyon sa pamamagitan ng video conferencing, isang hakbang na layong gawing mas magaan para sa publiko ang proseso ng pagrereklamo o pagbibigay ng testimonya.
Aniya ang mga complainant ay maari nang mag-record ng insidente o maghain ng reklamo nang hindi na kailangang dumiretso sa istasyon ng pulisya.
Sa parehong paraan, maaari na ring tumestigo online.
Ang mga ganitong mekanismo ay makatutulong lalo na sa mga hindi makalabas ng bahay dahil sa trabaho, kalusugan, o seguridad, at inaasahang magpapataas sa bilang ng mga kasong mareresolba sa mas maikling panahon.
Itinatampok din ng panukala ang layuning mapabilis at mapahusay ang crime solution efficiency ng kapulisan.
Sa pamamagitan ng online reporting, mas mabilis ang komunikasyon, dokumentasyon, at aksyon mula sa mga otoridad.
Sa mga susunod na linggo, inaasahan naman na maisasailalim sa committee hearing ang nasabing panukala para sa mas malalim na talakayan at konsultasyon.
Umaasa si Atty. Tamayo na makakakuha ito ng suporta mula sa mga miyembro ng konseho.