Dagupan City – Patuloy na sinusolusyunan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ilang mga isyung kinakaharap ng publiko hinggil sa mga isyu sa Information and Technology, kaya naman mayroon silang mga nakahandang programa, serbisyo at mga inisyatibo para sa publiko.
Ayon kay Engr. Leanne Ruth Amarillo – DICT R1, isa na nga rito ang Connectivity at Info-Structure o ang pagpapalawig ng Internet Access na nagpapalaganap ng libreng wifi sa iba’t ibang pampublikong lugar tulad ng mga town plaza, public schools, public hospitals, at iba pang pampublikong pasilidad.
Layunin nitong matiyak na lahat ng tao, mula sa kabataan hanggang sa mga senior citizen ay magkakaroon ng access sa internet.
Bilang bahagi ng National Broadband Program (NDP), nagsagawa ang ahensya ng paglalatag ng Fiber Optic Cables upang mas mapabilis at mapalawak ang internet broadband access sa buong bansa sa ilalim naman nf GovNet para sa mga ahensya ng gobyerno.
Sa ilalim naman ng Government Emergency Communication Services (GECS), tinitiyak din ng DICT na mayroong komunikasyon sa gitna ng kalamidad o mga di inaasahang pangyayari upang mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan.
Kabilang din ang Cybersecurity o ang pagpapalawak ng kamalayan at pagtulong sa seguridad sa online.
Dagdag pa rito ang paglaban sa banta ng cyber-attacks kung saan ay naglaan ang ahensya ng mga resources na magbibigay gabay sa publiko at mga negosyo sa mga isyu at alalahanin tungkol sa seguridad sa internet.
Dito na isinagawa ang pagpapaunlad ng Digital Workforce kung saan ay nag-aalok sila ng mga libreng pagsasanay para sa publiko upang magtaglay ng mga kinakailangang kasanayan sa digital na teknolohiya.
Sa ilalim ng mga inisyatibong tulad ng SPARK, ang mga kabataan, Persons Deprived of Liberty (PDL), Persons with Disabilities (PWD), at iba pang sektor ay nabibigyan ng pagkakataong mapabuti ang kanilang kakayahan sa ICT.