DAGUPAN CITY- Ipinahayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagdami ng mga kaso ng impersonation o spoofing, kung saan ginagamit ng mga cybercriminal ang pagkakakilanlan ng ibang tao upang manghingi ng pera o mangolekta ng sensitibong impormasyon.
Ayon kay John Benedict Dioquino, Planning Officer II ng DICT, karaniwang paraan ng mga scammer ang pagpapadala ng pekeng email o mensahe na nag-aanyong mula sa bangko o lehitimong institusyon.
Kadalasan ay sinasabing “na-compromise” ang account ng biktima at hinihikayat itong magpalit ng password sa pamamagitan ng ipinadalang link. Kapag pinaniwalaan ito, nakukuha ng mga scammer ang personal na impormasyon ng biktima.
Ipinaliwanag ni Dioquino na endorsement lamang sa tamang awtoridad ang maibibigay ng DICT sa mga ganitong insidente, ngunit mayroon itong National Computer Emergency Response Team (NCERT Ph) na tumutugon sa mga usaping may kinalaman sa cybersecurity.
Nakikipagtulungan din ang DICT sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at sa National Telecommunications Commission (NTC) lalo na kung may kinalaman sa mga ninakaw na cellphone o e-wallet accounts.
Bilang tugon, nagsasagawa ang DICT ng mga cyber hygiene campaign upang turuan ang publiko ng tamang paggamit ng social media at iba pang online platforms.
Kabilang sa kanilang mga paalala ang regular na pagba-back up ng files, buwanang pagpapalit ng password, at pag-iwas sa pagbabahagi ng sensitibong impormasyon na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang online accounts.










