Dagupan City – Pinalalakas ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kampanya para sa cybersecurity awareness upang maprotektahan ang publiko laban sa mga panloloko sa pamamagitan ng telepono at online messages.
Ayon kay May Ann Campaner, Pangasinan Provincial Focal ng Integrated Local Council Development Program (ILCDP), layunin ng programa ng DICT na magbigay ng sapat na kaalaman sa mga mamamayan hinggil sa mga dapat at hindi dapat gawin sa paggamit ng teknolohiya upang maiwasang malinlang ng mga cybercriminal.
Ipinaliwanag din ni Campaner na may Cybercrime Unit ang Philippine National Police (PNP) na tumatanggap ng mga reklamo kaugnay ng cyber offenses, habang ang National Telecommunications Commission (NTC) naman ang may responsibilidad sa pag-block ng mga numerong konektado sa mga bangko at iba pang mapanlinlang na aktibidad.
Dagdag pa niya, hindi mapipigilan ang paggamit ng artificial intelligence (AI) dahil bahagi na ito ng kasalukuyang henerasyon. Gayunman, binigyang-diin niyang mas mainam kung gagamitin ito sa positibong paraan at hindi bilang kapalit ng kakayahan ng tao.
Pinaalalahanan ni Campaner ang publiko na maging mapanuri, maingat, at alerto sa paggamit ng internet.
Dapat suriin ang mga website, lalo na ang mga ginagaya ang mga bangko, at tiyaking may tamang “https” at walang maling spelling sa mga detalye.
Ipinayo rin niyang iwasan ang pag-click sa mga kahina-hinalang link upang maiwasan ang pagkasira ng mga device at pagnanakaw ng personal na impormasyon.
Sa oras na mabiktima ng cybercrime, hinihikayat ang publiko na mag-ulat sa Cybercrime Unit ng PNP o sa NTC upang agad na maaksyunan at mapigilan ang pagdami ng ganitong mga kaso.










