Nagbabala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay ng pagdami ng mga insidente ng na-hack na social media accounts na ginagamit ng mga scammer upang manghingi ng pera sa pamamagitan ng e-wallet.
Ayon kay John Benedict Dioquino, Information Officer II ng DICT, karaniwang kinokompromiso ng mga scammer ang social media account at ginagamit ito upang magpadala ng mensahe sa mga kaibigan at kakilala ng biktima para humingi ng pera.
Dahil dito, pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri at huwag agad magpadala ng pera kapag may natanggap na kahina-hinalang mensahe.
Pinapayuhan ang mga netizen na tawagan o i-video call muna ang taong umano’y humihingi ng tulong pinansyal upang makumpirma kung siya nga ang kausap.
Sa maraming kaso, hindi ang tunay na may-ari ng account ang nagpapadala ng mensahe kundi ang hacker na nakakuha ng access sa kanilang social media.
Nilinaw din ng DICT na wala itong kapangyarihang magsagawa ng imbestigasyon o magpatupad ng batas laban sa mga sangkot sa cybercrime.
Ang ganitong mandato ay nasa ilalim ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Kabilang sa mga katuwang ng DICT ang PNP Anti-Cybercrime Group na siyang tumutugon sa mga reklamong may kinalaman sa online scams at iba pang cyber offenses.
Tungkulin ng DICT na magbigay ng rekomendasyon at iendorso ang mga reklamo sa kinauukulang ahensya upang matulungan ang mga biktima.
Patuloy naman ang paalala ng kagawaran sa publiko na paigtingin ang seguridad ng kanilang mga online account at maging mapagmatyag laban sa mga makabagong modus ng panloloko sa internet.










