Natatawa na lamang sa sama ng loob ang Samahang Industriya at Agrikultura (SINAG) dahil sa nilagdaang Executive Order No. 128 ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagbaba ng taripa sa imported pork products ngunit mataas naman ang price cap na ibinigay ng Dept. of Agriculture bilang suggested retail price (SRP) nito pagdating sa merkado.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, Presidente ng SINAG, hindi makakakolekta o mawawalan ang gobierno ng nasa P12-B dahil sa ginawang pagbaba ng taripa mula sa dating 30% na naging 5% habang ang dati namang 40% ay naging 15% na lamang.
Kung sa noong 30% tariff ay mayroong net plotted cost ang importers na P146, ngayong nasa 5% na lang ito ay bumaba na ang puhunan ng presyo ng karne ng baboy sa P115 na siyang pwedeng-pwede umano sanang maibenta ito sa mamimili ng hanggang P140 ngunit batay sa itinakdang SRP ng DA, ito ay nasa P350.
Kaya’t ang pinagkaibahang presyo ay siyang tinutukoy umano ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na ‘tongpats’.
Dahilan kung bakit hindi mapupunta sa consumers ang mababang presyo ng karne ng baboy.
Matatandaang itinakda ang EO 128 upang masiguro umano ang sapat na suplay ng naturang karne sa bansa dahil sa kakulangan nito sanhi ng pananalasa ng African Swine Fever (ASF).