Tahasang kinitil ni dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang mga alegasyong ibinato laban sa kanya at sa Makabayan Block sa naganap na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, na tinawag niyang isang malaking “nakakahiyang kasinungalingan” at “political demolition”.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, binigyang-diin ni Castro na walang basehan ang testimonya ng 18 dating Marines hinggil sa umano’y pagtanggap ng mga “cash deliveries” o paper bags mula sa mga flood control projects. Ayon kay Castro, mula pa noong 2013 ay walang hinahawakang flood control projects ang Makabayan at wala silang anumang “allocables” sa pambansang pondo.
Binatikos ni Castro ang kredibilidad ng mga testigo sa pagdinig, iginiit na tila scripted at hindi magkakatugma ang kanilang mga salaysay dahil pabago-bago umano ang mga pangalang lumilitaw sa kanilang mga affidavit. Aniya, ang mga idinagdag na pangalan ay mga mambabatas na aktibong nagsusulong ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon sa kanya, ang kontrobersiyang ito ay maaaring isang diversionary tactic lamang upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa usapin ng pananagutan ng mga Duterte sa ICC at sa kinakaharap na impeachment case ni Vice President Sara.
Sinang-ayunan din niya ang pahayag ni Acting Senate President Win Gatchalian na “bogus” ang naturang pagdinig kasunod ng mga pagbabago sa liderato ng Senado, at binanggit pa ang impormasyon mula sa NBI na may umano’y bayarang naganap na umabot sa ₱5 milyon kapalit ng testimonya ng ilang Marines.
Dagdag pa niya, ito na umano ang “pinakamagulo” o “worst” na Senado na kanyang nasaksihan, dahil mas pinahahalagahan daw ng ilang senador ang pansariling interes kaysa sa kapakanan ng mamamayan.
Sa gitna ng hamon na maglabas ng ebidensya, kumpiyansa si Castro na walang mapapatunayan ang kanyang mga kritiko dahil puro “insinuations” at kuwento lamang ang hawak ng mga ito.
Nanawagan si Castro sa publiko na manatiling vigilante at huwag magpalito sa mga “diversionary tactics” na naglalayong pagtakpan ang mga isyu ng korapsyon at anomalya sa pamahalaan.









