Isa na namang makasaysayang hakbang ang ginawa ng Korte Suprema kaugnay ng usapin sa psychological incapacity bilang batayan ng pagpawalang-bisa ng kasal.
Ayon kay Atty Francis Abril – Lawyer/ Political Analyst, kung hindi susuriing mabuti ang desisyong ito, maaaring magbukas ito ng pintuan para gawing dahilan ang simpleng “falling out of love” upang putulin ang kasal isang bagay na maaaring magdulot ng mas malalim na implikasyon sa institusyon ng pamilya.
Sa mga naunang interpretasyon, itinuturing ang psychological incapacity bilang isang seryosong kondisyon na nakapaloob sa mental at emotional state ng isa sa mga asawa kung saan karaniwang tumutukoy sa kawalan ng kakayahang gampanan ang mga obligasyon sa loob ng kasal.
Ngunit binigyang-diin ng Korte Suprema kamakailan na hindi ito dapat ikulong sa isang mental health perspective lamang.
Bagamat walang nakasaad sa Family Code na kailangang mahalin mo ang taong pakakasalan mo, ang sandaling pumayag ka o consent ay nagkakaroon ka na ng legal na obligasyon kabilang dito ang pagmamahal, katapatan, at pagtupad sa tungkulin bilang asawa.
Ani Abril sa ilalim ng kasalukuyang batas, iba’t ibang legal na paraan ang kinikilala para sa paghihiwalay ng mag-asawa.
Una dito ang divorce, isang generic na termino para sa legal na pagputol ng kasal ngunit walang ganitong batas na umiiral sa Pilipinas.
Habang ang annulment naman ay isang legal na paraan ng pagwawalang-bisa ng kasal, ngunit kinikilala pa rin ng batas na naganap ang kasal.
Ang declaration of nullity of marriage ay tumutukoy naman sa mga kasal na hindi kailanman naging legal mula sa simula, kaya’t itinuturing na void ab initio o walang bisa mula sa simula.
Samantala, ang legal separation naman ay hindi nito pinapawalang-bisa ang kasal, ngunit binibigyan ang mag-asawa ng legal na karapatang huwag nang magsama.
Subalit, hindi pa rin sila pwedeng magpakasal muli.
Gayunpaman, sa harap ng kontrobersyal na interpretasyon ng psychological incapacity, marami ang nananawagang maging mas malinaw, makatao, at makabago ang mga patakaran sa kasal at paghihiwalay sa bansa.