Dagupan City – Tinawag na “malaking dagok” ang naging desisyon ng Korte Suprema para sa mga nagsusulong ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutional lawyer, ikinagulat ng marami ang desisyon ng Korte Suprema na ihinto ang proseso ng impeachment sa Kamara, sa kabila ng 1 hanggang 3 inihaing impeachment complaints na umano’y sinuportahan ng ilang miyembro ng Kongreso.
Nilagay na lamang umano ang lahat ng impeachment complaints sa iisang verified complaint, bagay na ayon kay Cera ay hindi tugma sa hinihingi ng Saligang Batas.
Bukod dito, kinuwestiyon din ni Cera ang naging proseso na tila’y naviolate ang due process dahil hindi nabigyan ng sapat na panahon ang mga miyembro ng Kamara upang suriin ang complaint.
Dahil dito, sinabi ni Cera na maaaring ituloy muli ang impeachment proceedings sa susunod na taon, kapag natapos na ang itinakdang isang taon na limitasyon sa ilalim ng Saligang Batas.
Ginagalang naman aniya ng Malacañang ang desisyon ng Hukuman, at inihayag na ang hakbang na ito ay bilang pagsunod sa “primacy of the law and the Constitution.
Ayon kay Cera, kahit pa kasi may mungkahi na baguhin o i-amyenda ang Konstitusyon upang linawin ang proseso ng impeachment, malabo rin itong mangyaridahil nasa midterm na tayo ng administrasyon.
Sa kabila ng desisyong ito, may mga nagsasabing malakas pa rin ang pangalan ng Duterte sa pulitika.
Subalit, ani Cera kung pagbabasehan ang ebidensya sa impeachment complaint—gaya ng umano’y misuse ng confidential funds, kabiguang magpakita sa congressional inquiries, at iba pa—maaring hindi sapat ang pangalan para mabura ang mga alegasyon.
At kung aasahan naman aniya ang muling pagbubukas ng impeachment attempts, mangyayari ito ani Cera sa Pebrero 2026, kung kailan muling magiging bukas ang legal na panahon para sa pagsusulong ng reklamo laban sa pangalawang pangulo.