DAGUPAN CITY- Pinangunahan ng Police Regional Office 1 (PRO1) ang isang Quick Response Hybolation Exercise bilang bahagi ng kanilang training program upang sanayin ang mga kapulisan sa mabilisang pagtugon sa insidente.

Ayon PBGEN Dindo R. Reyes, Regional Director ng PRO1, layunin ng aktibidad na matukoy ng mga station commander ang mga lugar sa kanilang nasasakupan na maaaring mahirapan sa pagtugon sa loob ng target na limang minutong response time.

Bahagi ng pagsusuri ang pagbabago o pag-aayos ng deployment plan upang matiyak na epektibo ang pagkilos ng mga pulis sa kani-kanilang mga lugar.

--Ads--

Aniya, inaasahan na sa pamamagitan ng mga obserbasyong ito, mailalapit ang presensya ng kapulisan sa mga kritikal na lugar at madagdagan ang puwersa kung kinakailangan.

Ganunpaman, aminado ang PRO1 na hindi lahat ng lugar ay agad mararating sa loob ng limang minuto, kaya’t patuloy na pinag-aaralan ang mga hakbang upang mapabuti pa ang sistema ng pagtugon.

Kabilang dito ang muling pagbalangkas ng deployment strategy para maging mas episyente ang galaw ng mga pulis sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Sa kabila nito, tumaas ang bilang ng mga naaresto mula sa hanay ng mga wanted person, at patuloy ang pagpapatupad ng mga programa at aktibidad upang mabawasan ang mga insidente ng vehicular traffic.

Ayon kay PBGEN Reyes, patunay naman ito ng positibong resulta ng mga inisyatibo ng PRO1.

Ang mga accomplishment report umano ng rehiyon ay nagpapakita ng tuloy-tuloy na pag-unlad sa serbisyong ibinibigay ng kapulisan sa mga mamamayan.