DAGUPAN CITY — Inaasahan na unti-unting mararamdaman ang panunumbalik sa nakagawiang panahon ng pasukan kasabay ng paglalabas ng Kagawaran ng Edukasyon ng bagong order hinggil sa binagong school calendar.
Ito ang naging sentimyento ni Dr. Tolentino Aquino, Regional Director ng Department of Education Region I, kaugnay sa nasabing usapin kung saan ang kasalukuyang academic year magtatapos na sa May 31, habang ang panibagong taong panuruan ay magsisimula sa July 29, 2024 pagkatapos ng school break mula June 1 hanggang July 26, 2024.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na bagamat ito ay magiging isang malaking adjustment para sa mga mag-aaral at mga kaguruan ng bansa, ito naman ay kahilingan ng nakararami sa kagawaran at masusi rin itong pinag-aralan kung saan ay lumabas na mas naaangkop sa bansa na maibalik sa dati ang pagbubukas ng klase at panahon ng taong panuruan.
Gayunpaman, nilinaw nito na hindi basta-basta maibabalik kaagad sa buwan ng Hunyo ang pagbubukas ng school calendar, kaya’t unti-unti nila itong ipinatutupad sa pamamagitan ng mga maliliit na adjustment.
Saad pa nito na base rin sa kanilang pakikipagtalakayan sa mga guro, napagtanto na ito rin ang kanilang kagustuhan, at ibinunyag nito na nakahanda na ang Department of Education Region I sa pagsasagawa ng mga hakbangin at mekanismo gaya na lamang ng alternatibong modalities gaya noong pandemya sa panahon ng matitinding init o mga bagyo para sa patuloy na pagkatuto ng mga mag-aaral.
Dagdag pa nito na nakahanda rin ang tanggapan na tumalima sa kung anuman ang magiging mandato ng kagawaran at ni Department of Education Secretary at Vice President Sara Duterte hinggil sa nasabing usapin.
Kaugnay nito ay inaasahan din naman nila ang pwersa ng kaguruan ng rehiyon na matutulungan nila ang mga mag-aaral na makapag-adjust ng maayos para sa pagbabago ng academic calendar, lalo na’t napag-usapan na ito ng kanilang hanay bago pa man lumabas ang kautusan hinggil dito.
Samantala, nagbabala naman ito na sa panahon ng itinakdang panahon ng pagpapahinga mula June 1 hanggang June 30 ay mahigpit na ipinagbabawal ang anumang klase ng trabaho o gawain ng pangangambala sa mga guro, maging ang mga ito man ay sa pamamagitan ng virtual meeting o physical meeting.
Ito naman aniya ay upang bigyan ng ganap na panahon ang mga kaguruan na makapagpahinga mula sa pagtuturo.