DAGUPAN, CITY— Naniniwala ang Department of Education Region 1 na masasabing epektibo ang nagpapatuloy na implementasyon ng ginagawang distance learning sa edukasyon ngayong nasa kalagitnaan pa rin tayo ng nararanasang pandemya na dulot ng COVID-19.

Ayon kay Cesar Bucsit, tagapagsalita ng DepEd Region 1 aminado ang kanilang pamunuan na patuloy pa rin na nakakatanggap ng ilang reklamo, issues at concerns mula sa mga estudyante at kanilang mga magulang ngunit giit naman nito na maituturing lamang na isolated cases ang mga ito at tinitiyak na agad na gumagawa ng mga hakbang upang masolusyunan ang mga problemang naipaparating sa kanila.

Halimbawa na lamang umano dito, inaabisuhan ang mga guro na kasabay ng kanilang pagtuturo sa kanilang mga estudyante ay wag ding kaligtaan na kamustahin ang mga ito.

--Ads--
Tinig ni Cesar Bucsit, tagapagsalita ng DepEd Region 1

Tuloy tuloy din umano ang ginagawang pre-assessment ng bawat guro kung saan nakikita at na eevaluate ang performance ng bawat mag aaral at kung gaano talaga natututo ang mga ito sa kani kanilang mga klase.
Malaking tulong din umano ang binibigay na suporta ng mga Local Govt Units sa provincial level dahil nakakatulong din sa ilang pangangailangang pang edukasyon ng mga estudyante.

Samantala, sa usapin naman kaugnay sa pagkakaranas ng ilang estudyante ng matinding stress at depresyon na nakakaapekto sa kanilang mental health dahil sa lubhang nahihirapan ang mga ito sa naturang mode of learning, inihayag ni Bucsit na hindi nila ito ipinagsasawalang bahala bagkus ay pinapayuhan din ang mga guro na makipag komunikasyon sa mga magulang ng kanilang estudyante upang maging magkatuwang sa paggabay sa kanilang pag aaral.