Dagupan City – Magpapatupad ang Department of Education Region 1 ng Saturday classes at extended class hours sa ilang paaralan upang makahabol sa mga araling hindi naituro dahil sa matagal na pagkaantala ng face-to-face classes.

Ito ay dulot ng mahigit 1 buwang pag-ulan at pagbaha na epekto ng nakalipas na bagyo at habagat na nakaapekto sa ilang bahagi ng Rehiyon kabilang na ang Pangasinan.

Ayon kay Dr. Estela P. Leon-Cariño, Regional Director ng DepEd Region 1, malaking bilang ng mga silid-aralan sa ilang dibisyon sa Pangasinan gaya sa Schools Division Office of Pangasinan 1 na lubos na naapektuhan ng pagbaha at iba pang pinsala, dahilan upang hindi pa makabalik sa normal na face-to-face learning ang maraming mag-aaral.

--Ads--

Bagama’t may ibang mga dibisyon ang unti-unting nakakapagsagawa na ng Face to face classes karamihan parin ay nagpapatupad ng localized suspension dahil sa problema sa baha sa kanilang paaralan o ginagamit bilang evacuation centers.

Sinabi ni Leon-Cariño na bagama’t gumagamit na sila ng alternative delivery mode upang maipagpatuloy ang pag-aaral, hindi lahat ng learning gaps ay matutugunan sa pamamagitan lamang nito dahil mahalaga pa rin ang aktuwal na presensya ng mga guro sa silid-aralan.

Dahil dito, maaaring magkaroon ng Saturday classes habang ang ibang paaralan naman ay magpapatupad ng extended class hours, kung saan maaaring ma-extend ang dismissal mula alas-kuwatro hanggang alas-singko ng hapon kapag bumuti na ang panahon.

Nanawagan din ang regional director sa mga magulang at mag-aaral na unawain at suportahan ang mga hakbang ng DepEd upang mabawi ang mga araw na nawala sa face-to-face classes.

Hinimok niya ang mga mag-aaral na gawin ang mga ipinapagawa ng kanilang mga guro at huwag mag-atubiling humingi ng karagdagang learning materials o magtanong kung may mga araling hindi nauunawaan.

Hinikayat naman ang mga magulang na gabayan at tulungan ang kanilang mga anak sa kanilang pag-aaral upang sama-samang makahabol sa mga naantalang aralin.

Samantala, tiniyak ng DepEd Region 1 na gagawin ang lahat ng posibleng hakbang upang matugunan ang learning gaps at maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral sa kabila ng mga naging epekto ng pagbaha at mga class suspension.