Pinaplantsa ngayon ng Department of Education ang posibleng pagpapatupad ng trimester system sa basic education bilang bahagi ng patuloy na pagrepaso sa academic calendar ng mga paaralan sa bansa.
Layunin ng hakbang na mas maayos na maipamahagi ang mga aralin sa loob ng school year at matugunan ang ilang hamon sa kasalukuyang set-up ng quarters.
Sa ilalim ng panukala, hahatiin sa tatlong termino ang school year ngunit mananatili ang kabuuang bilang ng school days.
Sakaling tuluyang maipatupad, nakahanda ang pamunuan ng Longos Elementary School sa bayan ng San Fabian para sa naturang pagbabago.
Ayon kay school principal Delia Magsanoc, wala umanong mababawas o madadagdag sa bilang ng araw ng pasok kundi pahahabain lamang ang saklaw ng bawat termino kumpara sa kasalukuyang quarter system.
Tiniyak din ng pamunuan ng paaralan na hindi maaapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante kung sakaling maipatupad ang trimester.
Anila, nakabatay pa rin sa umiiral na curriculum ang mga aralin at mananatili ang pamantayan sa pagtuturo at pagtataya ng performance ng mga mag-aaral.
Sa panig naman ng mga guro, nakikita umanong posibleng maging mas maayos ang paghahati ng workload sa loob ng taon dahil sa mas mahabang panahon para matapos ang bawat termino.
Gayunman, patuloy pang hinihintay ng mga paaralan ang pinal na desisyon at guidelines mula sa DepEd kaugnay sa implementasyon ng panukala.










