Pinasinungalingan din ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar ang pagkakadawit niya sa umano’y anomaliya sa infrastructure projects ng gobyerno.
Sa isang statement, itinanggi niya ang mga alegasyon subalit bukas sa anumang imbestigasyon kaugnay sa isyu.
Handa din ang DepEd official na boluntaryong mag-leave of absence mula sa kaniyang posisyon para sa patas na imbestigasyon at handang makipagtulungan sa lahat ng paglilitis.
Ginawa ng DepEd official ang paglilinaw matapos siyang pangalanan sa affidavit ni Roberto Bernardo, dating DPWH Undersecretary na binasa niya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Huwebes, Setyembre 25 kaugnay sa umano’y kickback schemes sa public infrastructure projects.
Ayon kay Bernardo, dati umanong nagtrabaho si Olaivar para kay dating Senator Ramon Revilla Jr. saka lumipat sa opisina ni dating Sen. Sonny Angara, na kasalukuyang kalihim ng DepEd.
Isiniwalat ni Bernardo na personal umano siyang tinawagan ni Olaivar para sa isang pulong para pag-usapan ang unprogrammed funds sa ilalim ng Office of the Executive Secretary.
Dito, pinasusumite umano siya ni Olaivar ng listahan ng mga proyekto, kung saan nagkasundo umano silang dalawa para sa 15 percent cut.