Dagupan City – Nagpasalamat ang Department of Tourism Region 1 sa mga Local Government Unit sa kanilang inisyatiba na pagandahin at taun-taong pag-ibayuhin na mapabuti ang kanilang mga munisipalidad.

Ang ganitong mga hakbang ay nagdudulot ng sigla at kasiyahan sa komunidad at sa mga turista, lalo na matapos ang matinding pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo.

Ayon kay Director Evangeline Dadat, ang mga proyektong ito ay maaari na ring ituring na mga bagong atraksiyong panturista na ipinagmamalaki ng buong rehiyon.

--Ads--

Nagpahayag din ng pasasalamat ang Departamento sa mga ahensyang patuloy na nakikipagtulungan sa kanila: sa DPWH para sa pagpapanatili ng kaayusan sa daloy ng sasakyan at trapiko; sa PNP at mga Tourist-Oriented Police for Community Order and Protection (TOP-COP) para sa pagsiguro ng kaligtasan at maayos na pagpapatupad ng mga proyekto hindi lamang ng DOT kundi pati ng iba’t ibang munisipalidad sa rehiyon; at sa DTI para sa patuloy na pagbuo ng mga programa para sa Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) at pagtulong sa paggawa ng mga bagong produktong maihahandog sa mga bisita.

Pinuri rin ni Dadat ang DOH at Red Cross sa pagbibigay ng dagdag na kapanatagan sa mga turistang bumibisita sa Rehiyon Uno.

Muling iginiit nito ang kahalagahan ng pag-iingat, lalo na laban sa mga kawatan at sa pagdami ng mga sasakyan.

Kasabay ng dagsa ng mga tao ang pagtaas ng insidente ng pananamantala at mga aksidente sa kalsada—kaya’t kinakailangan ang mas maingat na pagbabantay at patuloy na pagiging alerto ng lahat.