Puspusan ang pagbabantay at pagtutok sa turismo ng Department of Tourism Region 1 ngayong holiday season.

Ayon kay DOT Region 1 Director Evangeline Dadat, isinasagawa na ng departamento ang kanilang mga proyekto bago pa ang paglapit na holiday season upang maihanda ang mga stakeholders sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita.

Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagbibigay ng iba’t ibang seminar, tulad ng Filipino Branded Excellence, na tumatalakay sa komunikasyon, pagbuo ng rapport, at paglinang ng mga Filipino values gaya ng hospitality.

--Ads--

Kasama rin sa training ang pagtuturo ng First Aid, Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), at Basic Life Support.

Ipinaliwanag din ni Dadat ang pagkakaiba ng peak at lean season sa turismo.

Ang peak season ay tumutukoy sa mga panahong inaasahang mataas ang bilang ng turista, halimbawa tuwing buwan ng Disyembre at Holy Week.

Sa kasalukuyan, inaasahan pa rin ang patuloy na pagdami ng mga turista sa buong Region 1.

Nagpaabot din si Dadat ng pasasalamat sa mga lokal na pamahalaan (LGU) ng iba’t ibang lugar dahil sa kanilang pagsisikap na pagandahin ang kani-kanilang destinasyon, na nagdudulot ng malaking ambag sa pag-unlad ng turismo sa rehiyon.

Binanggit din nito ang melting pot ng mga atraksiyong panturista—mula sa mga handcrafted crafts ng bawat probinsya, magagandang dalampasigan at iba’t ibang water sport activities, hanggang sa mayamang tradisyon at kasaysayan na nakatanim sa bawat komunidad.

Nagpaalala rin si Dadat sa mga scammers, lalo na’t kasabay ng pagdami ng turista ang pagdami rin ng mga mapagsamantala.

Iginiit niya ang kahalagahan ng masusing pagberipika kung ang mga resort o establisimiyento ay accredited ng DOT.