Isa sa mga pangunahing binabantayan ng Department of Health – Center Health Development Region 1 ngayong holiday season ay ang tinatawag na “holiday stress.”
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, ang Medical Officer 4 ng nasabing kagawaran, ang holiday stress ay dulot ng mga maraming kaganapan ngayong holiday season kabilang na dito ang pag-iisip sa kung magkano ang magagastos sa pamimigay ng regalo.
Ibinahagi naman nito na ang unang hakbang kung paano maiiwasan ang holiday stress ay aminin sa sarili na ikaw ay tunay na nakakaramdam ng stress.
Ang mental health kasi aniya ay nagsisimula sa recognition dahil hindi aniya makatutulong ang pagdedeny o pagtanggi ng tunay na nararanasan.
Pangalawa, kinakailangan din aniya na maging realistic sa mga planong gagawin at huwag sumobra sa puntong hindi kakayanin.
Pangatlo, gumastos at bumili ng mga pangregalo nang naaayon sa inilaan na budget upang makaiwas sa pag-aalala na humahantong sa stress.
Dagdag pa nito na huwag kakalimutang alagaan ang sarili at ingatan ang kalusugan dahil malaking ginhawa ang maidudulot nito sa ating mentalidad.