Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kinakailangan ang pinagsamang aksyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maaresto at mapauwi sa bansa si dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
Ang pahayag ng DFA ay tugon sa naging pahayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla, na nagsabing nakasalalay na umano sa DFA ang proseso ng pagpapabalik kay Co sa Pilipinas.
Ayon sa DFA, bagama’t mahalaga ang papel nito sa aspeto ng diplomasya at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, hindi lamang ito ang may responsibilidad sa pagpapatupad ng mga hakbang para sa pag-aresto at repatriation ng isang indibidwal na nasa labas ng bansa.
Ipinaliwanag pa ng DFA na ang pag-aresto sa isang indibidwal sa ibang hurisdiksyon ay nakasalalay sa umiiral na batas ng bansang kinaroroonan nito, gayundin sa mga umiiral na kasunduan tulad ng extradition treaties sa pagitan ng Pilipinas at ng nasabing bansa.
Kung may nakabinbing warrant of arrest o kaso, kinakailangan itong dumaan sa tamang legal na proseso bago maipatupad ang pagpapauwi.
Gayunpaman, iginiit ng DFA na nakahanda itong magbigay ng diplomatic assistance alinsunod sa mandato nito at sa umiiral na international protocols.
Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas upang suportahan ang anumang legal na hakbang na isasagawa ng mga awtoridad.










