DAGUPAN, CITY—Nagsasagawa ang Department of Agriculture Region 1 kasama ang provincial at municipal local government units ng quarantine protocols sa mga bayan sa Pangasinan na may positibong kaso ng African Swine Fever (ASF).
Layon umano ng naturang hakbang na mapigilan ang paggalaw ng mga naimpeksyong baboy sa red zone o yung tinatawag na positive area upang hindi na kumalat ang naturang sakit.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Florentino Adame, Region I Regulatory Division Chief Agriculturist na mas pinapaigting ang mga quarantine protocols dahil posible ring pinagplaplanuhan na ang mga culling operations sa ilang mga bayan na mayroong active cases ng Asf sa Region1 partikular na dito sa lalawigan.
Aniya, bago makatay ang mga baboy ay dapat may kaukulang veterinary health certificate ang mga ito at kung manggagaling sa farm ang baboy ay kelangan may negative asf certification kung saan sinusuri ang dugo ng baboy para masabing wala itong ASF at ligtas na kainin.
Ayon kay Adame, ang mga bayan na may active cases ng nakalipas na linggo ay ang mga bayan ng Dasol, Infanta, Sual, at Laoac.