Dagupan City – Magpapatupad ang Department of Agriculture (DA) ng mga hakbang upang matulungan ang mga fishpond owner na naapektuhan ng fish kill na dulot ng matinding init at epekto ng El Niño.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ang mataas na temperatura at kakulangan ng daloy ng tubig ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng oxygen sa mga palaisdaan na nagdulot ng fish kill sa ilang lalawigan.

Bilang agarang ayuda, mamamahagi ang DA ng fingerlings upang makapagsimulang muli ang mga naapektuhang fishpond owner. Kasabay nito, bibili rin ang kagawaran ng solar aerators na ipapamahagi sa maliliit na fishpond owner upang mapanatili ang sapat na oxygen sa tubig at maiwasan ang pag-ulit ng fish kill.

--Ads--

Nilinaw naman ni Tiu Laurel na hindi nararanasan ang fish kill sa buong bansa at nananatiling maayos ang produksyon ng bangus at tilapia sa maraming rehiyon.

Aniya, dumarami rin ang huli ng galunggong, tamban, at tuna tuwing panahon ng El Niño, na nakatutulong upang mapanatili ang sapat na suplay ng isda sa merkado.

Samantala, tiniyak din ng DA na sapat ang suplay ng lokal na bigas para sa pagpapatuloy ng Benteng Bigas Program hanggang sa katapusan ng taon, dahil ang mga ipinamamahaging bigas ay mula sa mga lokal na magsasaka at inaasahang madaragdagan pa sa panahon ng anihan.