Dagupan City – Umabot na sa ₱78.69 milyong ang nawalang kita ng mga mangingisda kasunod ng ipinatupad na fishing ban sa mga karagatang apektado ng oil spill sa Bataan.

Ito ang inanunsyo ng Department of Agriculture, kung saan, batay sa inilabas na incident report ng departamento, nasa higit 28,000 na ring mangingisda ang na-validate na apektado ng malawakang pagtagas ng langis sa karagatan partikular na sa mga parte ng Bataan, na umabot na sa Ternate, Tanza, Noveleta, at Rosario, Cavite.

Ayon sa ulat, may katumbas umano itong 5,810 na apektadong bangkang pangisda, kung saan ay nagpapatuloy pa rin ang mahigpit na koordinasyon ng departamento sa mga Local Government Unit (LGU) at iba pang government agency para agad na matugunan ang oil spill.

--Ads--

Isa naman sa kanilang isinasagawang aktibidad ay ang coastal clean-up at monitoring, pagbuo ng mga spill boom, at sensory evaluation sa mga nahuhuling isda.

Samantala, inihahanda na rin ng departamento ang fuel subsidy at mga ipapamahaging seedlings at fiberglass boats sa mga mangingisda sa mga nasabing bahagi.