Dagupan City – Naging kuwestiyonable ang testimonya ni Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta sa ika-17 araw ng impeachment trial matapos hindi umano makapagbigay ng malinaw na sagot sa mga tanong tungkol sa disbursement at pamamahagi ng confidential funds.

Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, constitutionalist at political analyst, kapansin-pansin ang paulit-ulit na sagot ni Acosta sa mga tanong tungkol sa disbursement, implementation at distribution ng pondo.

Kung saan ay iginiit ni Acosta na ipinagkatiwala lamang niya kay Col. Raymund Dante Lachica, dating hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), ang mga pondo alinsunod umano sa utos ni Vice President Sara Duterte.

--Ads--

Si Lachica ang tinukoy ni Acosta bilang pangunahing tumanggap ng confidential funds at inatasang magpatupad ng mga confidential activities.

Gayunman, sinabi ni Acosta na hindi niya personal na nakita kung paano ipinamahagi ni Lachica ang mga pondong kaniyang idinisburse.

Dito na binigyang diin ni Cera na hindi umano fidelity-bonded si Lachica para tumanggap ng naturang pondo, habang si Acosta ang accountable officer na may awtoridad sa pag-disburse nito.

Hinggil naman sa pagtatanong ni Sen. Imee Marcos, sinabi rin ni Acosta na hindi niya nakita kung direktang natanggap o ginamit ni VP Sara ang pera.

Gayunman, ang awtorisasyon para sa pag-withdraw ng pondo ani Cera ay nagmula umano sa Office of the Vice President.

Paliwnag ni Cera na kahit confidential ang naturang pondo, kailangan pa rin itong dumaan sa wastong dokumentasyon at liquidation.

Para kay Cera, maaaring mauwi sa dalawang direksiyon ang testimonya ni Acosta—maaari nitong higit na idiin si VP Sara, o maaari namang si Acosta mismo ang maipit sa mga tanong ng mga senator-judge hinggil sa kaniyang papel sa paghawak at pag-disburse ng pondo.