DAGUPAN CITY- Maaaring malugi lamang ang gobyerno ng malaking halaga sa pilit na pagpapababa ng presyo ng bigas sa pamamagitan ng deklarasyon ng National Food Security sa bigas ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, magandang intensyon nito sa pagpapababa ng presyo sa bigas ng bansa sa pamamagitan ng pagbebenta ng rice stocks sa Local Government Unit sa halagang P33 kada kilo at kanilang ibebenta rin ito sa halagang P35 kada kilo.

Gayunpaman, kung nagkaroon aniya ng maayos na pagpataw ng buwis sa inangkat na bigas, batay sa ipinatupad na Executive Order no.62, ay hindi na mananatiling mataas ang presyo ng bigas sa merkado.

--Ads--

Aniya, aminado naman ang National Food Authority (NFA) na malulugi ng P15 kada kilo ang gobyerno sa gagawing hakbang. At kung ibebenta pa ang 300,000 metric tons sa susunod na 4-6 na buwan ay papalo pa sa P45-billion ang kanilang pagkalugi.

Giit naman ni Montemayor, mahirap mabawi ang pagkalugi ito kung mas tatagal pa ang deklarasyon nito.

Subalit, makakatulong naman ito sa stock management operation ng NFA at mabibigyan pa ng espasyo ang mga bodega para sa mga lokal na magsasaka.

Samantala, ikinababahala naman nila Montemayor ang mababang presyo sa pagbebenta ng LGU dahil maaaring mas malugi pa ang mga magsasaka sa pagbebenta nila ng palay dulot ng bagsak presyo nito.

Kaya para hindi maging Bond Aid Solution ang nasabing deklarasyon, dapat madagdagan pa ang tulong suporta ng Department of Agriculture (DA) sa lokal na produksyon upang hindi mawalan ng gana ang mga magsasaka.

Dapat habulin naman ng gobyerno ang mga illegal na aktibidad lalo na sa pag-iimport.