Itinanggi ni dating Congressman Mike Defensor ang mga alegasyong sinuhulan niya ang 18 nagpakilalang ex-Marines ng P5 milyon bawat isa para tumestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng flood control anomalies.

Ayon kay defensor, gawa-gawang kwento na walang batayan ang paratang laban sa kaniya.

Tinawag din ng dating mambabatas na “double hearsay” ang natanggap na impormasyon ng National Bureau of Investigation (NBI). Aniya, binasa niya mismo ang affidavit ng indibidwal na nagbigay ng impormasyon na mula sa isang “son-in-law” kung saan ikinuwento niyang may ibinigay na P5 million subalit hindi pa umano naibibigay ng buo.

--Ads--

Giit ni Defensor, wala sa mga dating sundalo ang nagkwento at narinig lamang ng naturang indibidwal ang kwento mula sa kaniyang biyenan na kasama ng 18 ex-Marines.

Kaugnay nito, kinuwestyon ni Defensor kung bakit pinatulan ito ng NBI na tinawag niyang isang hindi beripikadong account o impormasyon.

Nauna naman nang inisyuhan ng NBI si Defensor ng subpoena noong Martes may kaugnayan sa mga alegasyon. Ayon naman sa dating mambabatas, kokonsulta muna siya sa kaniyang abogado kaugnay ng subpoena.

Matatandaan, nauna nang itinanggi ni Defensor ang alegasyon na siya ang handler ng 18 ex-Marines. Subalit sa kabila ng pagtanggi ng kanilang ugnayan, sinabi ng mambabatas na ipagpapatuloy niya ang pag-tulong sa kanila matapos ang nangyari sa lumutang na testigo na si Orly Guteza, na bigla na lamang nawala matapos tumestigo sa umano’y kickbacks scheme.