Hiniling ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na limitahan sa 10,000 items ang ebidensiyang maaaring gamitin ng prosekusyon sa paglilitis, kasunod ng pagdami ng mga dokumento at iba pang materyales sa kaso na umabot na umano sa mahigit 62,000.
Naghain si defense counsel Peter Haynes ng mosyon sa ICC Trial Chamber III nitong Biyernes, Setyembre 25, kung saan iginiit niya na naging labis na ang dami ng ebidensiyang isiniwalat ng prosekusyon at may mga materyales umanong limitado o walang kaugnayan sa mga kasong kinakaharap ni Duterte.
Ayon sa depensa, unang nagsumite ang prosekusyon ng 5,275 evidence items noong confirmation phase ng kaso. Kalaunan, lumaki ito sa 62,130 items—katumbas ng 978 porsiyentong pagtaas.
Sa kasalukuyan, nasa 19,238 items naman umano ang nakalista sa List of Evidence ng prosekusyon, ayon sa depensa.
Sinabi ni Haynes na hindi na kayang basahin at suriin ng defense team ang ganito karaming materyales bago magsimula ang paglilitis.
Kabilang umano sa mga isiniwalat na ebidensiya ang mahigit 320,000 pahina ng mga dokumento at higit 1,000 audio-visual materials.
Ayon sa depensa, ang dami ng materyales na isiniwalat tatlong buwan bago ang paglilitis ay nakaaapekto sa karapatan ni Duterte na magkaroon ng sapat na panahon upang maihanda ang kanyang depensa, alinsunod sa Article 67(1)(b) ng Rome Statute.
Hinihiling ngayon ng depensa sa Trial Chamber III na limitahan ang lawak ng ebidensiyang maaaring gamitin ng prosekusyon, habang isinasaalang-alang ang dami, kaugnayan at kalagayan ng mga materyales na isiniwalat bago ang paglilitis.










