Wala umanong naitalang pinsala sa mga pangunahing linya ng kuryente ng DECORP dulot ng bagyo at habagat. May ilang isolated service interruptions lamang na naitala, partikular sa Bacayao Sur, Lasip Grande at Talibaew sa Calasiao, Pangasinan, na karamihan ay nakaapekto sa mga kabahayan. Patuloy naman ang koordinasyon ng kompanya sa lokal na pamahalaan para sa anumang karagdagang ulat.
Ayon kay Atty. Randy Castilan, Chief Operating Officer ng DECORP, patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng pag-ulan at pagbaha. Kasabay nito, pinaalalahanan ang mga residente na mag-ingat sa paggamit at pagsaksak ng mga electrical appliances na maaaring nabasa dahil sa pag-apaw ng tubig. Aniya, may mga residente nang naglilipat ng mga saksakan sa mas mataas na bahagi ng kanilang mga bahay upang hindi maabot ng tubig.
Sa usapin naman ng singil sa kuryente, wala pang disconnection na ipinatutupad ang DECORP sa kasalukuyan. Patuloy rin ang serbisyo ng kompanya habang mino-monitor ang kondisyon ng mga linya at pasilidad sa mga lugar na nakararanas ng sama ng panahon.
Paalala ng DECORP sa mga residente, patayin muna ang linya ng kuryente kung may panganib na mapasok ng tubig ang bahay at iwasang hawakan o isaksak ang mga kagamitang nabasa. Pinapayuhan ding makipag-ugnayan sa kinauukulan para sa ligtas na paghawak sa mga electrical connection, lalo na habang nagpapatuloy ang pag-ulan at pagbaha.










