Dagupan City – Ipinaliwanag ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) ang naging pagtaas ng singil sa kuryente ngayong Hunyo, kasabay ng paglilinaw sa mga isyu kaugnay ng madalas na pagpatay-sindi ng suplay ng kuryente.
Ayon kay Atty. Randy F. Castilan, Chief Operating Officer ng DECORP, epektibo na ang pagtaas ng generation charges bunsod ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Ipinaliwanag ni Castilan na may dalawang pangunahing pinagmumulan ng kuryente ang kooperatiba.
Ang una ay ang contract supply kung saan nakapirmi o fixed ang presyo ng kuryente.
Ang ikalawa naman ay ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM), na pinagkukuhanan ng karagdagang suplay ng kuryente at may pabago-bagong presyo depende sa demand at supply.
Dagdag pa niya, nakaaapekto rin sa mga adjustment sa singil ang matinding init ng panahon dahil tumataas ang konsumo ng kuryente ng mga consumer.
Samantala, pinabulaanan ni Castilan ang mga haka-hakang sinasadya ng mga electric utility ang pagpatay-sindi ng kuryente upang mapataas ang singil sa kanilang mga kostumer.
Aniya, kadalasang sanhi ng mga pansamantalang pagkawala ng kuryente ang mga sanga o puno na sumasayad sa mga linya ng kuryente.
May mga nakalagay aniyang protective devices sa kanilang mga linya na awtomatikong nagpuputol ng suplay kapag may nadedetect na aberya upang maiwasan ang mas malaking pinsala sa sistema.
Kapag naalis naman ang sanhi ng problema, awtomatikong bumabalik ang suplay ng kuryente sa pamamagitan ng mga naka-install na switching devices.
Kaugnay naman ng nalalapit na tag-ulan, sinabi ni Castilan na nagsagawa na ang DECORP ng iba’t ibang paghahanda, kabilang ang pag-install ng mga lightning disturbance detection device upang maagap na matukoy ang mga posibleng aberya at maiwasan ang mga fault sa linya ng kuryente.










