Nadagdagan pa ngayong araw ang bilang ng mga napaulat na nasawi sa epekto ng habagat at nagdaang bagyong Inday sa parte ng Visayas at Mindanao.
Ayon sa Office of the Civil Defense (OCD), nasa 27 katao na ang nasawi sa kalamidad. Nasa 10 sa binawian ng buhay ay mula sa Sarangani, pito mula sa Lanao Del Sur, apat mula sa Davao Occidental, tig-dalawa mula sa Zamboanga Sibugay at Bukidnon, at tig-isa naman mula sa Iloilo at Zamboanga del Sur.
Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap sa labing-tatlong katao na napaulat na nawawala: isa rito ay mula sa Zamboanga Del Sur, lima mula sa Davao Occidental, dalawa mula sa Sarangani, apat mula sa Lanao Del Sur at isa mula sa Maguindanao Del Sur.
Naapektuhan ng mga kalamidad ang 1.07 milyong indibidwal.
Samantala, umayat na sa P4.18 million ang halaga ng danyos sa sektor ng imprastruktura at P12.50 milyon naman sa sektor ng agrikultura.
Patuloy din ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong pamilya na umaabot na sa P82.9 million.









